PNP Chief, nagpasalamat sa kabayanihan ng mga pulis at sundalo, sa anibersaryo ng “Liberation of Marawi”

Muling nagpasalamat si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde sa kabayanihan ng lahat ng mga pulis at sundalong nasawi sa Marawi.

Ito ang inihayag ng PNP Chief sa paggunita ng unang anibersaryo ng “Liberation of Marawi” kahapon.

Sinabi ni Albayalde na “very proud” ang PNP sa kanilang mga kasamahang pulis at kapatid na sundalo na nagpamalas ng kabayanihan sa pag-aalay ng kanilang buhay sa ngalan ng kapayapaan.

Ang mga bayani ng Marawi ay habangbuhay nang bahagi ng kasaysayan ng ating bansa, dagdag ni Albayalde.

Kasabay nito, ipinaabot ng PNP Chief ang kanyang pakikiramay sa mga pamilya ng mga bayaning nasawi sa Marawi.

Sinabi ni Albayalde, na ang nangyari sa Marawi ay dapat na magsilbing paalala na ang terorismo at extremism ay isang patuloy na problema ng kinakaharap hindi lang ng Pilipinas, kundi ng buong mundo.  | ulat ni Leo Sarne