PNP Chief, nagpahayag ng pakikiisa sa pagdiriwang ng Labor Day bukas

Nagpahayag ng pakikiisa si Philippine National Police (PNP) Chief Police Director General Oscar Albayalde sa pagdiriwang ng buong bansa ng Labor Day bukas.

Sa isang press briefing sa Camp Crame, sinabi ng PNP Chief na katulad ng mga ordinaryong manggagawa, ang mga pulis na mga empleyado ng gobyerno ay entitled din na gunitain ang holiday.

Pero dahil sa kanilang tungkulin na tiyakin ang mapayapang pagdiriwang ng labor day ay mananatiling naka-heightened alert ang PNP bukas.

Ayon kay Albayalde, wala silang nakikitang posibleng banta sa mga mass actions na tradisyunal na ginagawa ng mga militanteng grupo, estudyante, at samahan ng mga manggagawa tuwing labor day.

Hindi aniya inaasahan ng PNP na magkakaroon ng kaguluhan, kahit na ang ang pagdiriwang ng labor day ay nataon sa pagdiriwang ng ika-17 anibersaryo ng EDSA People Power 3.

Gayunpaman, nananawagan ang PNP Chief sa mga lider ng mga grupo na lalahok sa mga mass actions na bantayan ng husto ang kanilang hanay, para makasiguro na hindi sila mahaluan ng mga masasamang elemento na maghahasik ng kaguluhan. | via Leo Sarne