PNP Chief, nag-surprise inspection sa 8 himpilan ng pulis

Pinapurihan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang walong himpilan ng Pulisya sa Metro Manila sa kanilang mahusay na pagpapatupad ng Intensified Cleanliness Policy ng PNP.

Ito’y kasunod ng ginawang sorpresang pag-iinspeksyon ng PNP Chief sa mga istasyon sa Maynila, Pasay, Parañaque, at Taguig kahapon.

Ayon sa PNP chief, lahat ng mga istasyong kaniyang binisita ay nag-iwan ng impressive mark sa kaniya dahil malinis at malaki ang ipinagbago ng mga ito.

Dahil dito, naniniwala si Eleazar na lalo pang mapag-iibayo ang serbisyo ng PNP sa publiko sa pamamagitan ng malinis at maaliwalas na himpilan.

Dagdag ni Eleazar, magpapatuloy ang kanyang pag-iikot sa iba’t ibang istasyon kaya dapat ay laging maayos ang kanilang himpilan at alerto ang mga pulis.