PNP Chief, nag-inspeksyon sa mga tindahan ng paputok sa Bulacan

Naglibot ngayong umaga si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde sa mga tindahan ng paputok sa Bulacan, para tiyakin na nasusunod ang mahigpit na panuntunan sa paggawa at pagbebenta ng paputok.

Magugunitang inilabas noon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order no. 28, na nagtatakda ng regulasyon at paglilimita sa paggawa, pagbebenta at paggamit ng mga paputok.

Kabilang sa mga ipinagbabawal na paputok ay ang Piccolo, Super Lolo, Atomic Triangle, Judas Belt, Bawang, Pillbox, Bosa, Goodbye Philippines, Bin Laden, Mother Rocket, Lolo Thunder, Coke in can, Atomic Bomb, Five Star, Pla-Pla, Giant Whistle Bomb at Kabasi lalo na ang Watusi.

Maaari namang sindihan sa mga itinalagang firecraker zones ang Baby Rocket, Paper Caps, Pulling of Strings, Sky Rocket o Kuwitis at Small Triangulo.

Habang ang mga maaaring sindihan sa labas ng firecracker zones ay ang Butterfly, Fountain, Jumbo Regular, Special Luces, Mabuhay, Roman Candle, Sparklers, Trompillo, Whistle Devices at iba pang klaseng pailaw.

Una rito, ipinaalala ng PNP sa publiko na huwag bumili ng mga bawal na paputok upang hindi na madisgrasya pa.

Habang binalaan naman ang mga nagtitinda ng mga ipinagbabawal na paputok, na tatanggalan ng lisensya at kukumpiskahin ang kanilang mga paninda sakaling patuloy pa rin sila sa pagsuway. | ulat ni Leo Sarne