PNP Chief, lumipad patungong Jolo, Sulu ngayong umaga 

Maagang lumipad patungong Jolo, Sulu ngayong umaga si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde.

Ayon kay PNP Spokesperson Sr. Supt. Bernard Banac, nais ng PNP chief na tignan ang isinasagawang imbestigasyon sa naganap na dalawang pagsabog kahapon sa Jolo Cathedral.

Nais din aniyang personal na maipaabot ng PNP chief ang kanyang pakikiramay sa mga biktima ng pagsabog na sa huling bilang ng PNP-ARMM (Autonomous Region in Muslim Mindanao) ay umabot na sa 20 ang patay at 111 ang sugatan.

Dalawa sa sugatan ay miyembro ng PNP.

Ayon kay Banac ang personal na pagharap ng PNP chief sa mga pulis sa Jolo ay sa layon din na masiguro na mananatiling alerto ang Kapulisan sa Jolo sa harap ng naganap na insidente ng terorismo.

Dapat sana ay pangungunahan ni Albayalde ang pagdiriwang ng ika-28 anibersaryo ng PNP sa Camp Crame ngayong umaga kasama si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.

Hindi na rin nakarating si Año sa pagdiriwang at isang kinatawan na lang ang pinadala.  | ulat ni Leo Sarne