PNP chief, lubusang nagpasalamat sa Pangulo sa P21-B pondong inilaan sa PNP

Lubusang nagpasalamat sa Pangulong Rodrigo Duterte si PNP Chief Director General Oscar Albayalde sa P21.1 bilyong pisong inilaan para sa Philippine National Police (PNP) mula 2016 hanggang 2019.

Ito ay inihayag ng PNP chief matapos ang isinagawang presentasyon ng P1.6 na bilyong pisong halaga ng mga bagong biling gamit ng PNP sa NCRPO Headquarters sa Camp Bagong Diwa kahapon.

Ayon sa PNP chief, malaking tulong ang pinansyal na suporta ng Pangulo para maisulong ang capability enhancement program ng PNP.

Kahapon ay iprinisenta ang latest batch ng mga kagamitang binili ng PNP na binubuo ng mga karagdagang sasakyan, rubber boats, assault rifles at magazines, police vests, communications equipment at K-9 units.

Ayon sa PNP chief, hindi pa magtatapos dito ang pagbili ng PNP ng mga bagong gamit dahil may mga naka-schedule pang dumating sa susunod na taon.

Ipina-bid na aniya nila ang dalawang helicopters at karagdagang P2.2 bilyong pisong halaga ng mga assault rifles at pistols na hinihintay na lang ang delivery.

Tiniyak naman ni Albayalde sa publiko na sa pagkakaroon ng mga makabagong kagamitan ng PNP, gagawin nila ang kanilang “very best to serve and protect the people.” | ulat ni Leo Sarne