PNP Chief, kinumpirmang nagsoli ng 37 milyong cash ang dating budget officer ng SAF

Tatlumpu’t pitong (37) milyong pisong cash ang umano’y isinauli ng dating budget Officer ng Special Action Force (SAF) sa kasalukuyang budget officer.

Ito ang kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Director General Ronald “Bato” Dela Rosa na hindi naman masabi kung saan galing at bakit nagsoli ng pera si dating SAF budget Officer S/Supt. Andre Dizon.

Ito ay sa gitna ng kontrobersya ng umano’y “nawawalang” 60 milyong pisong pondo ng SAF para sa subsistence allowance ng mga tropa na hindi nila natanggap.

Ayon kay Dela Rosa ang pondo ay hindi naman nawawala pero hindi lang naibigay sa mga tropa.

Sa ngayon aniya, sinimulan ng ipamahagi ang perang ito sa mga miyembro ng SAF na dalawang taong hindi nakatanggap ng daily additional subsistence allowance o ASA.

Ayon pa kay Dela Rosa, inamin sa kanya ni dating SAF Director Benjamin Lusad na hindi nito natutukan nang husto ang problema sa subsistence allowance ng mga SAF troopers dahil mas naging abala siya sa mga operational matters sa field. | via Leo Sarne