PNP chief, kinondena ang panibagong pagpapasabog sa Isulan

Mariing kinondena ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang panibagong pagpapasabog sa Isulan, Sultan Kudarat na naganap dakong 7:35 kagabi.

Nagpahayag ng kalungkutan ang PNP chief sa insidente na ikinasawi ng isang tao at ikinasugat ng 15.

Sa isang statement, sinabi ni Albayalde na ang mga nasa likod ng pambobomba ay mga duwag na nambibiktima ng mga inosenteng sibilyan.

Tiniyak ng PNP chief na tutugisin ng PNP ang mga salarin at pananagutin.

Kasabay nito, ipinag-utos ni Albayalde ang pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad at pinaigting na pagpapatrolya sa lugar.

Una rito ay inilabas noong Sabado ng PNP PRO-12 ang cartographic sketch ng pinaghihinalaang nasa likod ng unang pagpapasabog sa Isulan noong nakaraang linggo.  | ulat ni Leo Sarne