PNP Chief, kinondena ang pagbaril ng pulis sa isang lola sa Fairview

Pinasampahan agad ng kasong murder at administratibo ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang pulis na nakunan ng video sa aktong pagbaril sa 52 taong gulang na babae sa Fairview, Quezon City kagabi.

Kinilala ang suspek na si P/MSgt. Hensie Zinampan na nakatalaga sa Police Security and Protection Group sa Kampo Crame.

Pasado alas-9 ng gabi nang sundan ni Zinampan ang biktima na kinilalang si Lilybeth Valdez, na residente ng Sitio Ruby, Brgy. Greater Fairview.

Bumibili lang ng sigarilyo sa kalapit na tindahan si Valdez nang barilin siya ni Zimpanan na noo’y hindi naka-duty at napag-alamang nasa ilalim ng impluwensya ng alak.

Nakasuntukan umano ni Zinampan ang asawa ni Valdez noong May 1 kung saan, nagbitaw pa ng pagbabanta ang pulis.

Sa kabila ng video ng pamamaril na nag-viral sa social media, mariin paring itinatanggi ng pulis ang kanyang ginawa.