PNP Chief: Kailangang may Comelec permit kung armado ang security escorts ng kandidato

Pinaalalahanan ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang mga kandidato, na kailangang may permit ng Commission on Elections (Comelec) kung magsasama sila ng mga armadong security escort.

Ang paalala ay ginawa ng PNP Chief sa pagsisimula ng campaign period para sa midterm elections kahapon.

Ayon sa PNP Chief, pinahihintulutan ng PNP na magkaroon ng dalawang police escorts ang mga kandidato depende kung aprubado ang kanilang request, at nasa mga kandidato kung kukuha sila ng licensed private security escorts.

Wala aniyang problema sa pagsama ng mga private bodyguard sa pangangampanya basta hindi armado ang mga ito.

Paliwanag ni Albayalde, dahil sa umiiral na gun-ban, maging mga police escorts ay kailangang may pahintulot mula sa Comelec na magdala ng armas.

Inihalimbawa ni Albayalde ang kaso ng pag-aresto sa dalawang police escorts ni Pantar, Lanao Del Norte Mayor Jabar D. Tago, na nahuling may dalang armas sa isang checkpoint pero walang kaukulang Comelec Certificate of Gun Ban exemption at Comelec Clearance to provide VIP security.

Magugunitang ni-recall ng PNP noong nakaraang buwan ang mahigit 400 pulis na naka-assign sa VIP Security, maliban sa mga naka-assign sa Pangulo at ilan pang matataas na opisyal. | ulat ni Leo Sarne