PNP Chief, ipauubaya sa Pangulo ang kanyang kahihinatnan 

Ipauubaya na lang ni Philippine National Police (PNP) Chief General Oscar Albayalde sa Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang kahihinatnan.

Ito ang sinabi ni Albayalde sa isang biglaang pagpupulong ng PNP Press Corps na pinatawag ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac sa PNP Press Office kung saan sorpresang dumalo si Albayalde ngayong umaga.

Hindi napigilan ni Albayalde na magbuhos ng sama ng loob sa lahat ng ibinibintang sa kanya, dahil aniya sa kabila ng lahat ng ibinuhos niya sa serbisyo ay sisiraan lang siya sa dulo bago siya magretiro.

Ayon kay Albayalde, mayroon lang gustong i-upong susunod na PNP chief ang mga naninira sa kanya, at ang pagsira sa kanya ay upang maging “kiss of death” ang kanyang pag-indorso sa magiging kapalit niya.

Sinabi ni Albayalde na hindi stress kundi frustration ang nararamdaman niya sa mga nangyayari ngayon.

Wala na aniya siyang magagawa kundi aantabayanan na lang kung ano man ang magiging pahayag ng Pangulo kaugnay ng kontrobersya sa PNP pagbalik niya mula sa Russia.