PNP chief ininspeksyon ang bombing site sa Koronadal City

Nagtungo si PNP Chief Director General Oscar Albayalde sa Koronadal City para personal na tutukan ang imbestigasyon sa pagpapasabog ng bomba sa syudad noong linggo.

Ininspeksyon ni Albayalde kahapon ang site sa harapan ng St. Anthony Parish Cathedral sa Barangay Zone 3, kung saan sumabog ang isang improvised explosive device (IED) na nagresulta sa pagkasugat ng dalawang tao.

Ayon sa PNP chief, may mga pako na inihalo sa sumabog na improvised explosive device at pulbura ang ginamit na pampasabog.

May isa pang unexploded IED na narecover ang PNP malapit sa lugar ng unang pagsabog, at ito ay matagumpay na pinasabog ng EOD team.

Sinabi ni Albayalde na may grupo na silang tinitingnan na responsable sa pagsabog pero tumangging magbigay ng karagdagang detalye habang patuloy ang imbestigasyon. | via Leo Sarne