PNP Chief, inatasan ang mga pulis na maglaan ng isang oras sa paglilinis ng kanilang mga presinto

Inatasan ni Philippine National Police Chief Dir. Gen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang mga pulis na maglaan ng isang oras araw-araw sa paglilinis ng kanilang mga presinto.

Ito ang inihayag ng PNP Chief sa flagraising ceremony sa Camp Crame matapos paalalahanan ang mga pulis ng kahalagahan ng pagmintine ng malinis na kapaligiran.

Ayon sa PNP Chief, ang paglilinis sa kapaligiran ay importante para makaiwas sa sakit tulad ng dengue.

Binanggit pa ni Dela Rosa na marami pa man ding pulis ang naturukan ng Dengvaxia at totoo man o hindi ang isyu sa Dengvaxia, mabuti na aniya ang sigurado.

Kaya aniya dapat ay samantalahin ng mga pulis ang magandang panahon ngayong summer para maglinis ng kanilang kapaligiran bago pa man sumapit ang tag-ulan.

Magugunitang sinibak sa pwesto ang hepe ng Quezon City Police District Station 10 matapos na makita ng PNP Chief na makalat ang kanyang istasyon sa isang surprise inspection bago mag-Semana Santa. | via Leo Sarne