PNP Chief, inaasahan na mahuhuli na ang mga suspek sa Isulan bombing sa tulong ng cartographic sketch 

Umaasa si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na hindi magtatagal at mahuhuli ang mga suspek sa Isulan bombing sa tulong ng cartographic sketch.

Sinabi ni Albayalde na mayroon ng cartographic sketch na hawak ang PNP pero hindi pa nila opisyal na ipinapalabas dahil may mga hinahanap pang mga ibang ‘persons of interest’.

Ayon sa PNP chief, hindi nag-iisa ang suspek na nagtanim ng bomba sa lugar kung saan nagtipon-tipon ang mga tao para ipagdiwang ang kapistahan sa Isulan noong Martes ng gabi.

Paliwanag ni Albayalde, ang suspek ay nakita na inilalagay ang isang bag na umano’y naglalaman ng improvised explosive device (IED) sa ilalim ng motor na pag-aari ng isang CAFGU o Citizen Armed Force Geographical Unit.

Nang sitahin ng mga awtoridad sa kanyang kahina-hinalang kilos, tumakbo ito at nakatakas sa pamamagitan ng tulong ng isang naka-motor na nag-aabang sa kanya malapit sa lugar.

Hindi na aniya nahabol ng CAFGU ang mga suspek at doon na sumabog ang bomba.

Pero sinabi ni Albayalde na dahil sa maraming nakakita sa mga suspek, ay hindi magtatagal at matutukoy ang mga ito mula sa cartographic sketch at sa pagkilala ng mga testigo mula sa rogue gallery ng PNP.  | ulat ni Leo Sarne