PNP Chief, ikinatuwa ang positibong pagtaya ng Estados Unidos sa war on drugs ng PNP

Ito ang reaksyon ni Dela Rosa sa sinabi ni James Walsh, isang Senior US State Department official, na nag-improve ang human rights record ng PNP sa pagpapatupad ng kampanya kontra-droga mula noong nakaraang taon.

Nagpahayag ng kasiyahan si PNP Chief PDG Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa naging positibong pagtaya ng isang US official sa war on drugs ng PNP.

Ito ang reaksyon ni Dela Rosa sa sinabi ni James Walsh, isang Senior US State Department official, na nag-improve ang human rights record ng PNP sa pagpapatupad ng kampanya kontra-droga mula noong nakaraang taon.

Ang pahayag ng US official sa isang telephone interview ay kasabay ng kanyang pagtiyak ng patuloy na suporta ng Estados Unidos sa war on drugs ng pamahalaan basta’t ito’y isagawa ng naaayon sa “rule of law”.

Pero binigyang-diin ng PNP chief na pinagsisikapan nilang isaayos ang pagpapatupad ng kampanya kontra droga, hindi para sa Estados Unidos o mga bansang Europeo, kundi para sa mga Pilipino.

Ayon sa PNP chief, hindi siya natatakot na putulin ng US at European countries ang kanilang tulong sa Pilipinas kung hindi nila magustuhan ang pamamaraan ng PNP sa pagsasagawa ng anti-drug campaign.

Giit ni Dela Rosa, ang unang magbebenepisyo sa kampanya kontra-droga ng pamahalaan ay ang kanyang mga kapwa Pilipino, kaya sinisikap ng PNP na magtagumpay sa pagpapatupad nito. | via Leo Sarne