PNP Chief, humingi ng paumanhin sa kanyang emosyonal na kumprontasyon sa pulis na bumaril ng lola sa Fairview

Humingi ng paumanhin si PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar para sa kanyang emosyonal na pagkumpronta sa pulis na bumaril at nakapatay sa isang 52 taong gulang ba babae sa Fairview.

Ayon sa PNP Chief, batid niya na may mga hindi nakagusto sa video na kumalat sa social media ng kanyang ginawang pagsermon at pagduro kay P/SSgt. Henzie Zinampan na nakaditine Sa Camp Karingal.

Paliwanag ng PNP Chief, bilang ama ng PNP, personal siyang naapektuhan ng ginawa ni Zinampan lalo pa ngayong pinipilit pa rin nilang ibangon ang pangalan ng Pambansang Pulisya sa publiko.

Tiniyak naman ni Eleazar na pananagutan ni Zinampan ang kanyang krimen na nakunan din ng video at nag-viral sa social media.

Ngayong araw magsisimula ang proseso ng pag-dismiss sa serbisyo kay Zinampan sa pamamgitan ng paghahaain ng administratibong kaso ng Internal Affairs Service (IAS).

Habang pangungunahan naman ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District o QCPD ang paghahain ng kasong murder sa City Prosecutor’s Office.