PNP Chief, hinamon ang Human Rights Watch na magsampa ng kaso kung kaya nilang patunayan ang mga umanoy extra judicial killings

Hinamon ni Philippine National Police Chief Dir. Gen.Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang Human Rights Watch na magsampa ng kaso kung kaya nilang patunayan ang mga umanoy extra judicial killings sa war on drugs.

Ito ang reaksyon ni Dela Rosa sa isang artikulo na inilabas ng Human Rights Watch na nagsabing mas masahol pa ang record ng PNP sa paglabag sa karapatang-pantao sa pamumuno ni Dela Rosa kaysa noong panahon ng diktaduryang Marcos.

Tinukoy ng artikulo ang umanoy 12,000 namatay sa kampanya kontra droga na mas mataas sa opisyal na bilang na mahigit 4,000 lang.

Sinabi ng Human Rights Watch na dapat panagutan ni Dela Rosa ang mga nangyaring pagpatay na ito kahit bumaba na siya sa pwesto.

Ayon kay Dela Rosa, kung sigurado ang Human Rights Watch sa kanilang mga statistika, bahala silang mag-sampa ng kaso laban sa kanya.

Tanong pa ng PNP Chief, bakit hindi pinapansin ng Human Rights Watch ang mga pulis na namatay sa pakikipaglaban sa mga drug suspects.

Giit ni Dela Rosa, kayang patunayan ng PNP na lehitimo ang kanilang naging aksyon sa war on drugs at handa siyang harapin ang anumang reklamo na ihain laban sa kanya. | via Leo Sarne