PNP Chief, handang maglabas ng mga dokumentong may kinalaman sa war on drugs

Handa ang Philippine National Police na maglabas ng mga dokumento na may kinalaman sa war on drugs, partikular ang patungkol sa mga kaso kung saan may namatay na pulis o drug suspek.

Ito ang inihayag ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar matapos sabihin ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa press conference sa Camp Crame kahapon na ipauubaya na niya sa PNP ang pagpapaliwanag sa mga naganap na pagkamatay sa giyera kontra droga.

Giit ni Eleazar ginagawa nila ang kanilang trabaho ng naayon sa batas, at ang mga pulis na lumalabag ay hindi nila kinukunsinti.

Binigyan diin ng PNP Chief na walang itinatago ang PNP at nakikipagtulungan sila sa Review na ginagawa ng Department of Justice sa mga kaso sa war on drugs.

Sa katunayan aniya ay ni-release na nila sa Department of Justice ang mga records ng 53 drug-related cases na naresolba na ng PNP Internal Affairs Service.

Hindi pa lang aniya nila ma-turn over sa Department of Justice ang mga records ng iba pang kaso na hindi pa tapos resolbahin dahil sa nakabinbing mga apela ng mga pulis na sangkot sa kaso.

Gayunpaman, sinabi ni Eleazar na susunod siya sa Chain of Command, kaya hihingi muna siya ng pahintulot sa Department of Interior and Local Government (DILG) bago maglabas ng mga dokumento.