PNP Chief Gen. Eleazar, binisita ang mga nasawi at nasugatang pulis sa isang ambush sa Magsaysay, Occidental Mindoro

Pinangunahan ni PNP Chief General Guillermo Eleazar ang buong organisasyon ng Pambansang Pulisya para ihatid ang pakikiramay sa pamilya ng mga pulis na nasawi at nasugatan sa ambush kahapon sa Sitio Banban Brgy. Nicolas, Magsaysay, Occidental Mindoro.

Dumating si Eleazar kanina sa San Jose, Occidental Mindoro at ipinagkaloob ang Medalya ng Kagitingan sa tatlong pulis na namatay at siyam na iba pang nasugatan.

Isa-isang tinungo ni Eleazar ang burol ng mga pulis at nasugatan na kasalukuyang nasa ospital.

Mariing kinondena ng Chief PNP ang ginawang pananambang ng mga NPA sa mga pulis na sana ay maghahatid lamang ng tulong sa liblib na barangay.

Hindi rin naiwasan ng heneral na sariwain ang kanyang karanasan noong siya ay bagong graduate sa Philippine Constabulary kung saan siya ay na-assign sa Bongabong, Oriental Mindoro at nakaranas din ng ambush subalit swerte na hindi tinamaan.

Dahil dito, nangako ang heneral sa pamilya ng mga pulis na nasugatan at nasawi na bibigyan nila ng katarungan ang pangyayari.