Nakipagpulong si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Oscar Albayalde sa kanyang mga counterpart sa rehiyon sa ika-39 na ASEAN Association of Chiefs of Police o ASEANAPOL Conference.

Ang kumperensya ay isinasagawa sa Hanoi Vietnam na nagsimula noong Setyembre 16 at tatagal hanggang Biyernes, Setyembre 20.

Sa naturang kumperensya, iprinisenta ni Albayalde ang “country paper” ng PNP tungkol sa transnational crime, kabilang ang mga hakbang sa pagpapalakas ng kooperasyon ng mga international police forces kontra sa transnational syndicates.

Tinalakay sa mga pagpupulong ang mga isyu tungkol sa illicit drug trafficking, terrorism, arms smuggling, trafficking in persons, maritime fraud, commercial crime, cyber crime, fraudulent travel documents, transnational fraud, ASEANAPOL Database System, mutual assistance on criminal matters, exchange of personnel and training programs at ang ASEANAPOL Forensic Science Network.

Una nang sinabi ni Albayalde, na malaking tulong sa kampanya kontra terorismo at kriminalidad sa bansa ang information sharing sa pagitan ng mga law enforcement at intelligence agencies sa rehiyon.