PNP Chief Dela Rosa, binilinan ang PNP na ituloy ang kanyang nasimulan sa ilalim ng pamumuno ni Albayalde

Binilinan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ang PNP, na ituloy lang ang mga pagbabagong sinimulan niya sa PNP sa ilalim ng bagong uupong PNP Chief na si NCRPO Director Oscar Albayalde.

Sa kanyang huling flagraising ceremony sa Camp Crame bilang PNP chief, sinabi ni dela Rosa na sinimulan nila ng malakas ang kampanya kontra droga kaya kailangan din magkaroon sila ng “strong finish.”

Humingi ng paumanhin si dela Rosa kung meron mang mga pulis na hindi naging masaya sa kanyang isang taon at 9 na buwang panunungkulan.

Nagpasalamat naman si dela Rosa sa lahat ng suportang ibinigay ng bawat isang pulis, at proud aniya siya na naging kanilang PNP chief.

Aniya, ang bawat isang pulis na ang bahalang humusga kung naging mabuti o masama siyang PNP chief.

Isa lang aniya ang maipagmamalaki niya bilang PNP chief at ito ay ang hindi pag-give in sa pressure ng mga traditional politicians, na hindi niya pinagbigyan sa mga gusto nilang iupong pulis sa kanilang mga lugar.

Ngayon lang aniya ang unang pagkakataon sa kasaysan ng PNP, na hindi nagpa-bully ang PNP sa mga politiko, na dahil narin aniya sa suporta ng Pangulo. | via Leo Sarne