PNP Chief: Dating MNLF, MILF members, welcome sa PNP

Welcome sa Philippine National Police (PNP) ang mga dating miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nais magpulis.

Ayon kay PNP Chief Police General Oscar Albayalde, walang problema sa kanila ang mga dating rebelde na nais pumasok sa PNP, basta’t maipapasa nila ang requirements na itinatakda ng batas para maging kwalipikado na magpulis.

Paliwanag niya, hindi kagaya ng Armed Forces of the Philippines (AFP), hindi sila tumatanggap ng “auxiliary” kung kaya kinakailangan na dumaan sa normal na proseso ang pag-recruit sa mga dating MNLF at MILF.

Matatandaan na nitong Hulyo, napagkasunduan nina Department of the Interior Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, Bangsamoro Transition Authority (BTA) Interim Chief Minister Ahod B. Ebrahim at Presidential Peace Adviser Carlito Galvez, ang pagpapahintulot sa mga dating rebelde na sumali sa PNP.

Sa ngayon, inaaayos na ang draft memorandum circular para sa naturang kautusan.