PNP Chief, binalewala ang hamon ni ACT Partylist Rep. France Castro na bumisita sa Lumad schools

Binalewala ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang hamon ni ACT Partylist Representative France Castro na bumisita sa Lumad Schools o Salugpungan para personal na makita ang situwasyon doon.

Sa kanyang regular Monday press conference, sinabi ng PNP chief na hindi na niya kailangang makita ang mga naturang paaralan dahil ang Department of Education at hindi ang PNP ang nakakasakop sa mga ito.

Bukod dito aniya, kung magpunta siya doon, siguradong iba na ipapakita sa kanya.

Giit ni Albayalde, mismong mga tribal leaders na nagtungo sa Camp Crame noong nakaraang buwan ang nagreklamo tungkol sa kung anu-anong itinuturo sa mga bata sa naturang mga Salugpungan.

Maging ang Pambansang Awit na ginagamit ay ang awitin ng mga komunista, na mistulang “brainwashing” ang ginagawa sa mga kabataang Lumad.

Noong Miyerkules, naaresto sa checkpoint ang grupo ni dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo na may dalang 14 na mag-aaral ng isang Salugpungan sa Davao del Norte na umano’y kanilang “iniligtas”.

Nanindigan si Albayalde na kasinungalingan ito dahil hindi naman kailangang iligtas ang mga bata, at mismong mga magulang ng mga mag-aaral ang nagreklamo na kinidnap ng grupo ni Ocampo ang mga bata.  | ulat ni Leo Sarne