PNP Chief Albayalde, tinuro si Pangulong Duterte na dahilan kung bakit bumababa ang bilang ng krimen sa bansa

Diretso at tapat na pamumuno ni Pangulong Duterte ang itinuturong dahilan kung bakit maganda ang itinatakbo ng kampanya ng pamahalaan laban sa kriminalidad at iligal na droga.

Ayon kay Philippine National Police Chief Oscar Albayalde malayang nagagawa ng mga kapulisan ang kanilang trabaho dahil suportado sila ng Pangulo.

Pero paglilinaw nito na ang suporta ng Pangulo ay hindi pangungunsinti kundi tamang pagtatanggol sa pulis na naaayon sa batas.

Inihalimbawa ni Albayalde ang kanyang sarili kung saan malaya niyang nagagawa at napapatupad ang kanyang mga gustong reporma nang hindi nakikialam ang sinumang opisyales ng pamahalaan.

Aniya noong panahon, kapag may inireto ang isang opisyal ay kailangan mong tanggapin kung hindi ay ikaw ang mapapasama.

Bagama’t marami pa rin naman siyang natatanggap na rekomendasyon ay wala naman aniyang pressure mula sa kahit kanino.

Ito rin ang tinuturong dahilan ni Albayalde kung bakit namamayagpag ngayon ang mga operasyon ng kapulisan laban sa mga kriminal at durugista sa bansa. | via Lorenz Francis Tanjoco