PNP Chief Albayalde, muling nagbabala laban sa “narco-cops”

Seryoso umano ang liderato ng Philippine National Police (PNP) sa kampanya nito laban sa iligal na droga, sa korapsyon at sa laban sa mga tiwaling pulis.

Ito ang binitawang pahayag ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde sa kanyang pagharap sa media sa Davao City, sa pagbukas ng 2nd SWAT Challenge, ngayong araw na ito.

Ang pahayag ni Albayalde ay kanyang reaksyon sa pagkamatay ng isang Police Colonel na tinaguriang “narco cop” na nagmula sa Misamis Occidental, makaraang manlaban sa operatiba na nagsagawa ng buy bust operation sa Dipolog City, kagabi.

Dead on arrival sa pagamutan si Police Superintendent Santiago Rapiz, na nagsisilbing Logistics Officer ng Zamboanga del Norte Provincial Police Office.

Ayon pa kay Albayalde, hindi sila titigil na walisin at linisin ang kanilang hanay laban sa mga tiwaling pulis.

Kinumpirma ni Albayalde, na batay sa kanilang counter-intelligence watchlist na listahan ng mga pulis na nasasangkot sa iligal na aktibidad, aabot sa 1,200 hanggang 1,700 ang kanilang binabantayan.

Ngunit ayon sa opisyal, hindi naman ito nangangahulugan na nasangkot na ang mga personahe ng PNP sa anumang iligal na gawain.

Ipinaliwanag ni Albayalde, na ang rason kung bakit nagkaroon sila ng intelligence watchlist ay dahil sa mga impormasyon na kanilang nakukuha na kinakailangang mapatunayan para makumpirma, watchlist lamang ito ngunit ito pa rin ay kanilang binabantayan.

Muling nagbabala si Albayalde sa kanyang mga tauhan na hindi ito titigil hangga’t may natitira pang bulok sa kanilang hanay. | ulat ni Ruth Dumandan