PNP, buo ang suporta kay PNP OIC Gen. Gamboa

Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson PBgen Bernard Banac na matatag at buo ang suporta ng PNP sa bagong-upong officer in charge na si PLt Gen. Archie Gamboa.

Ito ay matapos na pansamantalang humalili si Gamboa sa pwestong iniwan ni dating PNP Chief PGen. Oscar Albayalde, na nag-non-duty leave epektibo kahapon.

Ang pahayag ni Banac ay kaugnay ng isang liham na umiikot sa mga heneral ng PNP at sa social media mula sa dating PNP chief na si Gen. Arturo Lomibao.

Sa open letter ni Lomibao, sinabi ng dating opisyal na naging kapwa niya “bata” sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong at Albayalde na mga junior officer noong panahong siya ang PNP chief.

Naghayag ng kalungkutan si Lomibao sa nangyari kina Magalong at Albayalde, subalit nanawagan din siya kay Albayalde na makabubuting isipin ang kapakanan ng nakararaming mga pulis.

Bagamat sinabi ni Banac, na hindi pa niya nababasa ang naturang liham, tiniyak niya na mataas ang morale ng PNP sa kabila ng kontrobersyang kinasasangkutan ng dating pinuno ng PNP.

Dagdag pa ni Banac, ginagalang naman ng kasalukuyang liderato ng PNP ang sentimiyento at opinyon ng mga dati nilang opisyal, para sa ikagaganda na rin ng organisasyon.