PNP, bumuo ng “all female police force” sa Siquijor

Inilunsad nitong Sabado ang kauna-unahang “all-female police station” sa buong bansa.

Photo courtesy of PNP-PIO

Ayon kay Police Regional Office 7 Regional Director PBGen. Debold Sinas, ang pagtatatag ng “all female police force” sa Bayan ng Maria sa Siquijor, ay nagsusulong ng “women empowerment” sa larangan ng “public safety”.

Ang PNP Maria na tatawaging “Mariang Pulis” bilang katuwang ng “mamang pulis” ay may 21 miyembro sa pamumuno ni PCpt. Judith Besas, mula sa dating anim lang na babaeng pulis.

Ang mga bagong miyembro ng PNP Maria ay personal na pinili ni PCol Angela Rejano, Provincial Director ng Siquijor Provincial Police Office, para sumailalim sa masusing pagsasanay bago itinalaga bilang “mariang pulis”.

Kabilang sa kanilang pinagsanayan ay ang pagmamaneho, pagbaril, pag-aresto, checkpoint procedures, Automated Fingerprint Identification System (AFIS), First Aid, at iba pang mga kaalaman na kailangan ng mga pulis na nasa field.

Ayon kay Col. Rejano, ang paglikha ng “mariang pulis” ay magbibigay ng pagkakataon sa mga babaeng miyembro ng PNP na mapalawak ang kanilang papel sa larangan ng “law enforcement”.