PNP, bukas sa pagrebisa ng DOJ sa mga kasong na-clear ng IAS

Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar, na bukas ang PNP sa pagrebisa ng Department of Justice (DOJ) sa mga kaso ng pulis na na-clear ng Internal Affairs Service (IAS).

Ito ay matapos sabihin ng DOJ na balak nilang i-review ang mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga, kung saan inabswelto ng IAS sa kasong administratibo ang mga sangkot na pulis.

Siniguro ni Eleazar, na walang itinatago ang PNP at ibibigay ang kanilang buong kooperasyon sa DOJ.

Tiwala din aniya ang PNP sa pasya ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa usaping ito.

Una nang isinumite ng PNP sa DOJ ang mga case folder ng mga anti-illegal drug operations, kung saan may mga namatay, para maimbestigahan ng DOJ.