PNP, blangko pa rin sa motibo ng pagpaslang sa alkalde ng Sudipen, La Union 

Blangko pa rin ang Philippine National Police (PNP) sa posibleng motibo sa pamamaril at pagpatay kay Sudipen, La Union Mayor Alexander Buquing.

Sa isang press conference sa Camp Crame, iniulat ni PNP Spokesperson CSupt. Benigno Durana na kasalukuyang nagpupulong ang Special Investigation Task Group (SITG) sa pamumuno ng PRO 1 Regional director, matapos ipag-utos ni PNP Chief Police Dir. Gen. Oscar Albayalde ang mabilis na paglutas sa kaso.

Mayroon na aniyang hawak na mga ebidensya at eyewitness accounts ang SITG sa krimen.

Ayon kay Durana, bibigyan lang ng konting panahon ng PNP ang pamilya ng alkalde para makarekober sa trahedya bago nila kausapin tungkol sa mga posibleng motibo sa krimen.

Hindi aniya isinasantabi ng PNP ang posibleng anggulong politika at business rivalry sa likod ng pagpatay sa alkalde.

Pinagbabaril ang mayor habang nasa kanyang sasakyan kasama ang kanyang asawang si Vice Mayor Wendy Joy Buquing at dalawang iba pa, sa kahabaan ng Bangar-Castro Provincial Road, sa Barangay Cadapli, Bangar, La Union dakong alas-6:45 kagabi.

Tanging ang vice mayor ang naka-survive sa pamamaril, at kasalukuyang ginagamot sa mga tinamong tama nito sa iba’t ibang bahagi ng katawan.  | ulat ni Leo Sarne