PNP Anti-Cybercrime Group, nagbabala sa online love scam 

Pinag-iingat ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group (ACG) ang mga naghahanap ng pag-ibig sa internet para hindi mabiktima ng online love scam.

Sa babalang inilabas ng ACG, marami ang nabibiktima ng naturang modus, na kalimitang nakukunan ng malaking salapi ng mga kriminal sa pamamagitan lang ng matatamis na salita.

Gawain umano ng mga kriminal na gumawa ng mga pekeng accounts sa iba’t ibang social media platforms at ginagamit ang mga ito para ligawan ang kanilang mga biktima.

Kapag nahulog na ang loob ng biktima, hihingan ito ng pera ng paunti-unti gamit ang samu’t saring dahilan.

Bagama’t walang datos na inilabas ang ACG, mayroon pa anilang mga kaso na umabot sa milyon ang kabuuang halagang naibigay ng biktima, bago napagtanto na siya’y niloloko lang.

Payo ng ACG, huwag magpapadala ng pera sa mga taong nakilala lang sa internet at hindi nakikita ng personal.   | ulat ni Leo Sarne