PNP-AKG Summit kaugnay ng casino-related kidnapping incidents, isasagawa ngayong umaga 

Pangungunahan ng Philippine National Police (PNP) Anti-Kidnapping Group (AKG) ang isang summit na layong solusyunan ang tumaataas na bilang ng kaso ng kidnapping na may kinalaman sa mga operasyon ng mga casino sa bansa.

Ang buong-araw na summit simula ngayong alas-9:00 ng umaga sa Novotel, Cubao, Quezon City, ay lalahukan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kabilang ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Bureau of Immigration, Airport Police, Department of Justice (DOJ), Department of Foreign Affairs (DFA), foreign embassies, Department of Labor and Employment (DOLE), Anti-Money Laundering Council (AMLC) at private sector representatives.

Inanyayahan bilang guest of honor sa summit si PNP Chief Police General Oscar Albayalde na magsasalita pero inihayag ni PNP Spokesperson Pbgen Bernard Banac ngayong umaga na hindi na makakadalo si Albayalde at magpapadala na lang ng kinatawan.

Magiging highlight din sa summit ang pagpirma ng Memorandum of Understanding sa pagitan ng PNP at mga embahada ng mga dayuhan sa bansa na kalimitang nabibiktima sa casino-related kidnapping incidents.

Sa pinakahuling tala ng PNP-Anti Kidnapping Group, mula 2017 hanggang September 21, 2019 umabot na sa 132 mga banyaga ang kanilang nadakip na binubuo ng 119 Chinese, dalawang  Malaysians, apat na Koreans at pitong Filipino na suspected kidnappers.

Samantala, umabot na sa 68 mga biktima naman ng kidnapping ang nasagip ng AKG na karamihan ay mga Chinese nationals.