PNP: “Air-tight” ang kaso laban kay Ex-Mayor Baldo

Nagpahayag ng kumpiyansa si Philippine National Police (PNP) Spokesperson PBgen Bernard Banac na air-tight ang kaso ng PNP laban kay dating Daraga Mayor Carlwyn Baldo, na akusado sa pagpatay kay Ako Bicol partylist Representative Rodel Batocabe.

Ito ay sa kabila ng pagpapahintulot ng korte na makapagpiyansa si Baldo sa kinakaharap nitong double murder case.

Sa isang press conference sa Camp Crame, sinabi ni Banac na nakapag-piyansa na kahapon si Baldo, pero sinabi ni PRO 5 Regional Director PBgen Arnel Escobal, na hindi pa rin ito pwedeng makalaya kahit nakapagpiyansa na.

Ayon kay Escobal, kailangan munang hintayin ang desisyon ng korte sa pending na motion for reconsideration ng prosekusyon na tumututol sa pagpapahintulot na makapagpiyansa si Baldo, bago ito pakawalan.

Tiniyak naman ni Banac, na kung sakaling pansamantalang makalaya si Baldo, ay mahigpit na susubaybayan ng PNP ang kilos nito para masiguro na haharapin nito sa korte ang kanyang kaso.

Giit ni Banac, kumpleto ang ebidensyang isinumite ng PNP sa korte na magreresulta sa “conviction” ni Baldo .