PNP, AFP, dapat payagan ng mga paaralan na magsagawa ng sariling ‘indoctrination’ sa mga estudyante — Sen. Dela Rosa

Hiniling ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na payagan ang mga pulis at sundalo na makapasok sa mga paaralan at magsagawa ng sarili nilang ‘indoctrination’ sa mga estudyante.

Ito aniya ay upang maiwasan ang pagsasagawa ng brainwashing activities ng mga makakaliwang grupo sa mga state universities and colleges (SUCs).

Mayroon kasi aniyang polisiya ang ilang paaralan na pinagbabawalang pumasok sa kanilang mga campus ang mga pulis at militar upang maiwasan umano ang militarisasyon.

Ayon kay Dela Rosa, plano niyang maghain ng panukalang batas para magkaroon rin ng pagkakataon ang mga pulis at militar na makipag-usap at makipagpalitan ng kuro-kuro sa mga mag-aaral.

Maaari aniyang ang mga opisyal mula sa police community relations group o ang civilian-military unit ng militar ang magsagawa nito.

Giit ng senador, tungkulin ng estado na protektahan ang kapakanan ng mga kabataan partikular ng mga estudyante na narerekrut ng mga komunistang grupo.

Ngayong Miyerkules, August 14, nakatakdang ipagpatuloy ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Dela Rosa ang pagdinig tungkol sa diumano’y kaso ng mga nawawalang estudyante at narerekrut ng mga makakaliwang grupo gaya ng Anakbayan.