PNP-ACG sa publiko: mabigat ang parusa sa cyber-libel

Pinaalalahan ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang publiko na may kaakibat na mabigat na kaparusahan ang cyber-libel.

Ang paalala ay binigay ni SInsp Artemio Cinco Jr., spokesperson ng PNP -ACG, matapos arestuhin kahapon ang aktres na si Janet Derecho Duterte na mas kilala bilang si Keanna Reeves dahil sa cyber-libel.

Paliwanag ni Cinco, ang cyber libel ay ang malisyosong paninira ng tao gamit ang modernong teknolohiya tulad ng social media.

Aniya, may mas mabigat na parusa sa cyber-libel kapag ma-convict, kaysa sa ordinaryong libel sa TV, radio o print, batay sa Anti Cyber Crime Law o ang RA 10175.

Sinabi din ni Cinco, na mula sa parusang isang buwan hanggang anim na taong pagkakulong sa ordinaryong libel ay magiging anim na taon hanggang 12 taon sa cyber libel at may piyansa mula P20,000 hanggang P200,000, depende sa bigat ng ebidensya.

Kaya paalala ng PNP-ACG, gamitin ng tama ang social media at huwag magkalat ng paninira laban sa ibang tao.

Si Keanna ay kinasuhan ng cyber libel dahil sa umano’y panlalait niya sa social media kay Nancy Dimaranan, ang may-ari ng club kung saan siya nagpe-perform dahil hindi siya napagbigyang ihatid pauwi. | ulat ni Leo Sarne