PNP, aalalay sa ‘women in distress’

Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Archie Francisco Gamboa ang lahat ng pulis na nasa field, na magbigay ng “assistance” sa mga “women in distress.”

Ito ay alinsunod sa direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte sa PNP, na ibigay ang lahat ng tulong sa mga babae na may “essential travel” para bumili ng gamot, pagkain at iba, na nagkakaproblema sa pagbiyahe dahil sa walang masakyan.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac, ipinag-utos ni Gamboa sa mga pulis, na pasakayin at ihatid sa kani-kanilang mga destinasyon ang mga babaeng stranded sa daan.

Partikular aniyang bibigyan ng atensyon ang mga matatanda at buntis, nursing mothers, at mga babaeng may kasamang maliliit na bata.

Sinabi ni Banac, na ito ay katulad din ng serbisyong ipinagkakaloob ng PNP sa mga health worker, at iba pang frontliners, ngayong suspendido ang mga pampublikong sasakyan sa umiiral na enhanced community quarantine.