PNP, 100% handa sa nationwide vaccine rollout

Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang kahandaan ng PNP para sa COVID-19 vaccine rollout sa buong bansa.

Ito’y sa napipintong pagsisimula ng pagbabakuna ng mga economic frontliners sa ilalim ng A4 category sa Hunyo.

Ayon kay Gen. Eleazar, inatasan niya ang lahat ng police units na makipag-ugnayan sa mga Local Government Unit para sa vaccine rollout.

Nasa 35,415 na pulis aniya ang tutulong sa paghahatid ng mga bakuna habang dagdag 13,840 na pulis naman ang magpapatupad ng minimum public health safety protocols sa mga vaccination site sa buong bansa.

Maliban dito, nakaantabay din ang Medical Reserve Force ng PNP para sa deployment sakaling kailanganin para magbakuna.
 
Samantala, sinabi naman ni Eleazar na handa na rin ang lahat ng PNP assets, kabilang dito ang fast boats at helicopters, para sa pagdadala ng bakuna kahit doon sa pinakamalalayong lugar.
 
Para naman sa mga pulis na ipakakalat, lahat ng mga ito ay bibigyan ng protective gear, vitamins, at supplements para dagdag proteksyon laban sa COVID-19.