PMA officials na responsable sa “maltreatment” ng mga kadete, pananagutin¬†

Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mayroong mga opisyal ng Philippine Military Academy (PMA) na mananagot sa pagkasawi ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.

Ayon kay AFP Spokesperson Marine Brig. Gen. Edgard Arevalo, mahigpit ang atas ni AFP Chief of Staff General Benjamin Madrigal na kailangang tutukan ang kaso ni Dormitorio lalo’t may dalawa pang kadeteng kaklase nito ang ngayo’y nasa ospital.

Sinabi ni Arevalo, kung mapatutunayang nagkaroon nga ng kapabayaan sa panig ng mga opisyal na humahawak sa kadete gayundin sa doktor na tumitingin dito, hindi aniya makakawala ang mga ito sa kamay ng batas.

Maliban sa tatlong senior cadets na itinuturing na suspek sa kaso ni Dormitorio, sinabi ni Arevalo na anim pang kadete ang nahaharap sa kasong administratibo, apat ang nahaharap sa discharge, habang isa ang papatawan ng penalty sa ilalim ng mga umiiral na regulasyon ng PMA.

Iniulat kahapon ng PMA na dalawang opisyal na may direktang superbisyon kay Dormitorio ang ni-relieve na sa pwesto para bigyang-daan ang isang patas na imbestigasyon.