PMA Alumni Assn., umapela sa mga miyembrong kakandidato na ‘wag haluan ng politika ang PMA Homecoming sa Sabado 

Nanawagan ang liderato ng Philippine Military Academy (PMA) Alumni Association sa mga miyembrong kakandidato sa darating na halalan, maging sa mga politikong adopted members, na huwag haluan ng politika ang idaraos na PMA Alumni Homecoming sa Sabado.

Ayon kay Retired Maj. Gen. Jaime delos Santos, Chairman ng PMA Alumni Association, mahigpit nilang babantayan ang pagkakabit ng mga streamer at banners sa pagtitipon na isasagawa sa Fort Del Pilar sa Baguio City.

Paliwanag ni Delos Santos, ito ay para mapanatiling sagrado at intimate ang okasyon.

Aniya, ang pagtitipon ay okasyon para magkasalo-salo ang mga dating magkakaklase sa kanilang alma mater, at hindi pagkakataon para mangampanya.

Sinabi naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Benjamin Madrigal na inabisuhan na rin ang iba’t ibang PMA classes na ipaalam sa mga kandidato nilang miyembro na gawing makabuluhan at walang bahid ng politika ang nasabing okasyon.  | ulat ni Leo Sarne