Planong transport modernization program, isasailalim sa masusing pagsusuri ng Senado 

Isasailalim sa masusing pagsusuri ng Senado ang planong transport modernization program at ang naantalang pagpapalabas ng subsidiya para sa mga jeepney driver.

Ayon kay Senador Grace Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services, siya mismo ang magpapasimuno sa pagbusisi sa bawat detalye ng nasabing transport modernization kapag tinalakay na ng Senate Committee on Finance ang panukalang P74.3 billion na 2019 budget ng Department of Transportation (DOTr).

Ayon kay Poe, para sa kanya, hindi umano sapat ang P80,000 tulong-pinansyal para sa bawat jeepney driver na maaapektuhan ng ipatutupad na jeepney modernization program.

Sa naturang programa, kapag iti-trade-in ang isang jeepney, ito’y may kapalit na P80,000, pero, para kay Poe, ito’y hindi umano sapat.

Nilinaw ni Poe na hindi siya kontra laban sa transport modernization, subalit, nais niya umanong malaman kung papaano ipatutupad ang programa.

Punto ng senador, kailangan umanong magbigay ang gobyerno sa mga drayber ng sapat na halaga para makabili ng bagong sasakyan nang hindi na sila mahihirapan.  | ulat ni Jojo Ismael