Planong panseguridad sa extension ng Martial Law sa Mindanao, iprinisenta ng PNP sa Pangulo

Nakipagpulong sa Pangulong Rodrigo Duterte kagabi sa isang command conference ang mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP), sa pangunguna ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde.

Dito ay inihain ng PNP ang kanilang planong panseguridad sa pagpapatupad ng panibagong extension ng Martial Law sa Mindanao.

Una nang inihayag ni Albayalde, na tuloy-tuloy lang ang kampanya ng PNP laban sa New People’s Army (NPA), Abu Sayyaf, BIFF, at iba pang lawless groups sa Mindanao sa tulong na rin ng AFP at local government units.

Kaakibat nito ang istriktong pag-obserba sa police operational procedures at paggalang sa karapatang pantao.

Bago ang pagpupulong sa Malacañang, nagsagawa rin ang PNP ng kanilang sariling command conference sa Camp Crame, na dinaluhan ng mga police regional directors.

Dito’y tinalakay ang paghahanda ng PNP sa darating na Kapaskuhan at iba pang usaping may kinalaman sa law enforcement. | ulat ni Leo Sarne