Planong pagbili ng aircraft ng Pangulong Duterte para sa BJMP, welcome sa kagawaran

Bagamat wala pang pinal na detalye sa pagbili ng aircraft para sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte, welcome development daw ito sa kagawaran.

Sa isang statement, sinabi ni BJMP Spokesperson Jail Senior Inspector Xavier Solda na binibigyan nila ng halaga ang concern ng Pangulo lalo na sa pag-upgrade sa logistics capability ng jail management bureau.

Ang pagsuporta ng Pangulo para mapalakas at mapalawak ang BJMP ay nagbigay sa kanila ng inspirasyon upang maihatid ang pinakamahusay na uri ng serbisyo sa mga tao.

Sa kanyang talumpati sa Camp Vicente Lim sa Calamba, Laguna, kasabay ng turn-over ng 250 transport vehicles sa BJMP, binanggit ng Pangulo ang planong pagbili ng aircraft para sa kagawaran.

Gagamitin ito para ligtas na mai-byahe ang mga high-value inmates lalo na sa Visayas at Mindanao.

Nakikita kasi ng Pangulo, ang panganib na kinakaharap ng mga jail personnel sa pagbiyahe ng detainees at bilanggo. | ulat ni Rey Ferrer