Planong pagbabakuna sa manggagawa, dapat magtuloy-tuloy na — Sen. Villanueva

Umaasa si Senator Joel Villanueva na magtutuloy-tuloy na ang pagbabakuna sa manggagawa, kahit pagkatapos ng Araw ng Paggawa bukas.

Pinahayag ito ng senator, kasabay ng pagpuri sa plano ng Department of Labor and Employment (DOLE), na magbakuna ng ilang grupo ng manggagawa bilang paggunita sa Labor Day bukas.

Ayon kay Villanueva, kailangan ng ating mga economic frontliner ang mabakunahan na kontra COVID-19, dahil araw-araw silang humaharap sa peligro sa kanilang paghahanap buhay.

Kasabay nito, dapat na rin aniyang balangkasin ng DOLE ang listahan ng mga essential workers sa ilalim ng A4 classification, sa priority group ng mga mababakunahan kontra COVID-19.

Giit ng senator, dapat nang ihanda ng ahensiya ang rehistro ng mga kasama sa A4 priority list, para maayos na maisagawa ang pagbabakuna.

Kabilang sa mga iminungkahi ng Senate Committee on Labor Chair, ang posibilidad na paggawa ng isang mobile application, paghingi ng database ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), at ang gawing vaccination sites ang mga pabrika at mga lugar-paggawa.

Pinaalala rin ng mambabatas, na bukod sa mga manggagawa sa formal sector at mga OFW, dapat isama rin sa mga prayoridad na mabakunahan ang mga nagtatrabaho sa informal sector.