Planong demolisyon sa informal settlers sa loob ng Bilibid, ipinatitigil ng Muntinlupa LGU

Nagpasa ng resolusyon ng Muntinlupa City Council para ipatigil ang demolisyon at pagpapaalis ng Bureau of Corrections (BuCor) sa mga naninirahan sa loob ng New Bilibid Prison.

Batay sa City Council Resolution, kailangang kumuha muna ng Certificate of Compliance ang BuCor mula sa Muntinlupa Local Housing Board bago magsagawa ng demolisyon sa anumang istruktura.

Sa ilalim ng Muntinlupa Ordinance Number 17-091, ang mga nagpapanukala ng demolisyon at eviction sa lungsod ay dapat kumuha ng checklists, guidelines, at Certificate of Compliance bago ipatupad ang plano.

Exempted naman sa pagkuha nito ang mga demolisyon na iniutos ng korte, voluntary demolition at relocation, summary eviction, at demolition ng professional squatters, paggiba ng illegal structures, at demolisyon sa housing project na gawa ng National Housing Authority.

Ipinunto ng lokal na pamahalaan na bagama’t kinikilala nito ang mandato ng BuCor na protektahan at tiyakin ang kaligtasan sa security camps ay kailangang sundin pa rin ang nakasaad sa batas sa usapin ng demolisyon at pagpapaalis.

Sa liham ni BuCor Director General Gerald Bantag kay Mayor Jaime Fresnedi, iginiit nito na ang plano ay alisin ang lahat ng istruktura na nasa 50-meter radius mula sa pader ng security camps.

Ito’y upang masiguro na walang kontrabandong makalulusot sa loob ng pambansang bilangguan.

Gayunman, ang mga maaapektuhang residente ay bibigyan umano ng temporary relocation area.