Ulat na plano ng PISTON na sumanib sa NPA, ‘di na dapat pang patulan ayon kay George San Mateo

Tahasang itinatanggi ng lider ng PISTON na si George San Mateo ang napaulat na banta ng grupo laban kung hindi pakikinggan ang kanilang hinaing sa PUJ modernization program.

Batay sa kumakalat ngayon online, nagpahayag umano ni San Mateo sa planong pagsanib nila sa rebeldeng New Peoples Army (NPA) at dalhin sa kabundukan ang kanilang ipinaglalaban.

Ang insidenteng ito ay naganap matapos magsagawa kahapon ng metrowide transport strike ang PISTON upang muling igiit ang kanilang pagtutol sa jeepney phaseout.

Sa interbyu ng Radyo Pilipinas, sinabi ni San Mateo na ‘fake news’ ang nabanggit na statement at hindi na umano dapat patulan ng publiko.

Kasabay nito, nabanggit rin ng PISTON leader na wala pa silang opisyal na pahayag hinggil sa panibagong tigil-pasada, taliwas naman sa mga napapabalita.

Kaya’t buwelta ni San Mateo, bahagi ito ng ‘demolition job’ ng mga kritiko laban sa kanilang hanay at layuning gumawa ng negatibong impresyon at pagkalito upang maudyok na magalit ang mga commuters.

Bagama’t kinumpirma ng PISTON na magkakaroon pa umano sila ng mga malalaking pagkilos sa hinaharap, ia-anunsiyo daw ito sa tamang panahon at tamang forum. | via Shane Juan