Plano ng komunista na “Red October” sa Oct. 17, hindi na tuloy, “White Christmas” na – DND Sec. Lorenzana

Hindi na tuloy ang “Red October” ouster plot ng mga komunista laban sa Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa isang ambush interview sa Batasan Hills Quezon City, kasabay ng pabirong pagsabi na “White Christmas” na ang inaasahan sa nalalapit na pasko.

Ayon kay Lorenzana, nalusaw na ang plano ng mga komunista na patalsikin ang Pangulong Duterte dahil nabuking na ang kanilang plano.

Wala na rin nakukuhang suporta ang mga komunista matapos magkalasan ang iba’t-ibang grupong kasama umano sa plano nang malaman nilang mga komunista ang nasa likod ng “Red October”.

Magugunitang binalak ng New People’s Army (NPA) na maglunsad ng isang “People Power Revolution” sa pakikipag-alyansa sa iba’t-ibang kalaban ng gobyerno na ngayon sanang October 17 mangyayari.

Pero hindi nagtagumpay ang dapat sanang simula ng planong destabilisasyon sa anibersaryo ng Martial Law noong September 21, kung saan nilangaw ang kanilang mga inorganisang street protests.   | ulat ni Leo Sarne