Plano ng ilang mambabatas na idulog sa SC ang usapin sa 2019 Nat’l Budget, walang problema

Walang problema sa Malacañang ang banta ng tatlong mambabatas na dadalhin ng mga ito sa Korte Suprema ang usapin sa 2019 National Budget sakali’t makita ng mga ito ang umano’y P75 billion pork insertion sa pambansang pondo.

Ito ay sina Senador Panfilo Lacson, Senador Franklin Drilon at Congressman Rolando Andaya.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na karapatan ng tatlong mambabatas na iparating ang kanilang kuwestiyon sa Kataas-taasang Hukuman, lalo’t kung sa tingin nila ay tama sila.

Inihayag ni Panelo na tinitingnan nila ito bilang bahagi ng trabaho ng mga mambabatas at hindi dahil sa kung ano pa man.

Sa kabilang banda’y kumpiyansa rin ang Malacañang na kayang sagutin nina Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno at Secretary to the Cabinet Karlo Alexie Nograles ang alegasyong nagtangka ang mga ito na maibalik ang P75 bilyong pisong pork sa National Budget ngayong taon.   | ulat ni Alvin Baltazar