Pitong sundalong nasugatan sa pakikipagbakbakan sa mga kalaban ng estado, ginawaran ni Pangulong Duterte ng Order of Lapu-Lapu award

Pitong sugatang sundalo na nakipagbakbakan sa mga rebelde sa Surigao del Sur at Compostella Valley kamakailan ang binisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Metro Davao Medical Research Center.

Personal na kinumusta ng Commander in Chief ang mga sundalo na kinilalang sina Pfc. Nicasio Badana III, Pvt. Michael Liban, Pfc. Jackson Macaraig, Cpl. Kith Domingo, Pvt. Roy Inovejas, Pfc. Roger Belas at Pfc. Daniel Fabular.

Sina Inovejas, Belas, at Fabular ay nagtamo ng sugat matapos na masabugan ng improvised explosive device sa Mabini, Compostella Valley nito lamang Lunes.

Kasabay ng pagdalaw ng Pangulong Duterte ay ang paggawad din sa mga sugatang sundalo ng medalya ng Order of Lapu-Lapu na may ranggong Kampilan.

Bukod sa financial assistance, tiniyak din ng Pangulo na babalikatin ng gobyerno ang gastusin sa kanilang pagpapagaling. | via Alvin Baltazar