Pinsala sa sunog sa palengke ng Mega Q-Mart, inaalam pa

Aminado ang Bureau of Fire Protection (BFP) na problema nila sa pagtugon sa sunog sa palengke ng Mega Q-Mart ay ang mga concrete barrier sa ilalim ng MRT-3 na nasa tapat ng palengke.

Pahayag ito ni Quezon City Fire Marshal Sr. Supt. Manuel Manuel sa puna ng publiko na matagal na nakarating ang mga truck ng bumbero sa sunog.

Aniya kailangan pang umikot ang mga firetruck sa Aurora Blvd. sa Cubao para marating ang palengke kanina.

Sa ngayon, hindi pa malaman ng BFP kung ilang stall ang nasunog at kung magkano ang pinsala habang patuloy pa ang imbestigasyon nila dito.

Base sa impormasyon, sinasabing nagmula ang apoy sa bahagi ng kisame sa dry goods section na mabilis na kumalat sa bahagi ng palengke sa kanto ng EDSA at Ermin Garcia.

Umabot sa 4th alarm ang sunog at malaki umano ang naitulong ng malakas na ulan kanina kaya’t dakong alas 5:38, naideklara nang ‘fire under control’ ng BFP ang sunog.

Wala nang dapat ikabahala ang mga nasa paligid o maging mga tao sa loob ng palengke dahil ganap nang idineklarang ‘fire out’ ng BFP ang sunog kaninang alas-6:03 ng umaga.  | ulat ni Rey Ferrer