Pinsala ng bagyong Dante sa agrikultura, higit na sa P82-milyon

Umabot na sa P82.46-milyon ang halaga ng pinsala sa mga pananim na dulot ng nagdaang bagyong Dante sa ilang rehiyon sa bansa.

Sa huling ulat ng Department of Agriculture (DA), may 2,132 ang bilang ng magsasaka ang naapektuhan at 3,060 metric tons ng produksyon ng palay, mais at high value crops ang nasira.

Partikular na naitala ito sa 2,949 ektarya ng agricultural areas sa Central Luzon, Calabarzon, Bicol Region, Western Visayas, Davao Region, SOCCSKSARGEN at Caraga. 

May pinsala ring naitala ang DA sa sektor ng pangisdaan.

Gayunman, may naisalba ring 20,134 ektarya ng palay at nagawang i-harvest bago pa manalasa ang bagyo sa Regions 1, 2, 3, 4-A at 6 na katumbas ng produksyon ng 86,448 metric tons na nagkakahalaga ng P1.59-billion.

Habang sa mais naman, nakapag-harvest ng 7,758 ektarya sa Regions 1 at  MIMAROPA na katumbas ng produksyon na 42,365 metric tons na nagkakahalaga ng P720-million.