Pinoy internet users, dumami pa; pamamayagpag ng ‘fake news’ sa cyberspace, ikinababahala base sa bagong pag-aaral ng SWS Survey

Lumabas sa bagong pag-aaral ng Social Weather Stations (SWS) Survey na tumaas ang bilang ng mga Pilipino na gumagamit ng internet at nagsabing may problema ang Pilipinas sa pamamayagpag ng mga tinatawag na ‘fake news’ sa cyberspace.

Base ito sa December 2017 at March 2018 surveys na ikinomisyon ng SWS sa 1,200 respondents mula sa Metro Manila, balance Luzon, Visayas at Mindanao.

Batay sa report, mula sa dating 38% noong nakaraang taon ay tumaas sa 42% ang internet usage kung saan 32% ng mga Pilipino ang gumagamit nito ng hindi bababa sa tatlong oras o higit pa.

Malaki itong development kumpara sa 6% lamang noon pang taong 2006 nang unang isagawa ang SWS Survey hinggil sa internet usage.

Kaugnay nito, mayorya din ng repondents o 67% ang nagsabing may matinding problema ang bansa dahil sa nagkalat na mga pekeng balita online. Base ito sa ‘frequency’ o madalas nilang paggamit ng internet.

Pero sa kabila nito, 61% naman ang naniniwala na seryoso ang gobyerno partikular ang Duterte administration na solusyunan ang ‘fake news problem’ sa lahat ng uri ng media.

Paglilinaw ng pamunuan ng SWS na non-commissioned ang ginawa nilang pag-aaral patungkol sa fake news. Base ito sa kanilang inisyatibo at inilabas ang resulta bilang bahagi ngĀ  public service. | ulat ni Shane Juan

Photo courtesy: SWS FB page